403

By

Opisyal na umaarbor kay Diane Uy, lagot kay Digong

Sharing is caring!

Paiimbestigahan ng Malacañang ang ulat na mayroon umanong maimpluwensiyang opisyal ng gobyerno ang “umaarbor” sa naarestong anak ng shabu queen na si Yu Yuk Lai na si Diane Uy.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, na mananagot sa batas kung sinuman ang sinasabing maimpluwensiyang opisyal dahil batid naman ng publiko kung gaano kaseryoso si Pangulong Rodrigo Duterte na malutas ang talamak na problema ng iligal na droga sa bansa.

Tiyak aniyang malalagay sa alanganin kung sinuman ang opisyal ng gobyerno na nais makialam sa kaso ng naarestong shabu princess.

“Naku, asahan n’yo pong talagang — talagang ipu-pursue ito ni Presidente. Aalamin kung sino ‘yung nag-aarbor na ‘yan. At alam n’yo naman ang paninindigan ng Presidente laban sa mga nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot. Iimbestigahan po ito at talagang malalagot kung sinuman itong nang-aarbor dito sa drug princess na ito,” ang pahayag ni Roque.

Nauna rito inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency Executive Director Aaron Aquino na mayroong maimpluwensiyang opisyal ng gobyerno ang gusto umanong mamagitan sa pagkakaaresto ni Diane pero tumanggi ang opisyal na pangalanan ito.

Agad ding tinabla ng Malacañang ang plano umano ni Yu Yuk Lai na humingi ng presidential pardon.

Sinabi ni Roque na malabo ito lalo na at galit si Pangulong Duterte sa iligal na droga. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?