84
arrested-arestado-huli
Nov 2, 2019 @ 18:05
By

Opisina ng mga aktibista sinalakay: 62 inaresto sa Bacolod

Armado ng apat na search warrant, sabay-sabay na ni-raid ng mga sundalo at pulis ang mga opisina ng mga progresibong grupo sa Bacolod City noong Biyernes ng gabi.

Naaresto sa pagsalakay ang may 62 katao na pinaniniwalaang bahagi ng New People’s Army (NPA).

Ipinatupad ng Criminal Investigation and Detection Group-6 ang search warrants na inisyu ng Regional Trial Court sa Quezon City sa mga opisina ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela Negros Center sa Brgy. Bata; Negros Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Brgy. Taculing at iba pang opisina sa Brgy. 33.

Ayon kay Capt. Cenon Pancito III, hepe ng public affairs office ng 3ID, isinagawa ang operasyon matapos nilang makatanggap ng mga sumbong mula sa concerned citizens tungkol sa illegal possession of firearms and explosives ang ilang katao sa kanilang lugar.

Samantala, anim na menor de edad ang na-rescue habang walong babae at 31 indibiduwal pa ang naaresto sa opisina ng KMU, na kinokonsidera na umano’y “training center” ng mga bagong recruit para maging “child warriors” ng NPA.

Nakarekober din sa naturang opisina ng matataas na uri ng armas at pampasabog.

Nadakip naman sa Gabriela Negros Center ang siyam na katao habang tig-dalawa sa Brgy. 33 at Brgy. Taculing.

Kabilang din sa inaresto ang mga kilalang activist leader na sina John Milton Lozande at Danny Tabura ng NFSW, Proceso Quiatchon ng Karapatan, Nilo Rosales at Aldrin de Cerna ng KMU.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?