226

Feb 10, 2020 @ 16:21
By

Operasyon ng ‘Peryahan ng Bayan’ pinatigil

Sinuspinde ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang operasyon ng Peryahan ng Bayan sa bansa.

Ito ang kinumpirma kanina ng PCSO, Pebrero 10, batay na rin sa isang-pahinang direktiba ni General Manager Royina Marzan Garma nitong Pebrero 5, 2020.

Nabatid na naging epektibo ang naturang suspensiyon noon pang Pebrero 6, 2020 at inaasahang magtatagal ito hangga’t wala pang inilalabas na kautusan hinggil dito ang Office of the President.

“This is to inform the public that effective February 6, 2020, the operation of PERYAHAN GAMES is suspended until further instructions from the Office of the President,” bahagi ng anunsiyo ni Garma.

Hindi naman nakasaad sa naturang anunsiyo kung ano ang dahilan ng suspensiyon.

Nabatid na Oktubre 2019 lamang nang magsimulang mag-operate ang Peryahan ng Bayan, na binigyan umano ng 15 area ngunit 11 lamang ang nag-operate.

Sa naturang tatlong huling buwan ng 2019, nakapagtala ang Peryahan ng Bayan ng kitang P68 milyon.

Inaasahan din sana ang Peryahan ng Bayan na isa sa hahakot ng kita sa mga laro ng PCSO ngayong 2020, kabilang ang Small Town Lottery (STL), at Lotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?