107

Nov 5, 2017 @ 15:49

Onsehan sa ginto, obrero binaril sa ulo

Dalawang bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril ang itinanim sa ulo ng  isang obrero ng  hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktimang namatay noon din na si Nestor Rosana Mangahas, 42, may-asawa, construction worker at residente  ng No. 582 Mendez St., Brgy. Baesa, ng nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Helario Wanawan, ng CIDU-QCPD, nangyari ang pagbaril sa biktima dakong alas-8:30 ng gabi sa Bgry. Bahay Toro.

Nagpaalam umano ang biktima sa kanyang live-in partner  na si Jenny Rose  Escallon na may imi-meet lamang siya na isang kaibigan sa Brgy. Bahay Toro at titingnan umano nito ang ibinebentang singsing na ginto subalit hindi nito binanggit kung sino at kanino siya makikipagkita.

Ilang minuto lamang ang nakalilipas ay humahangos ang mga kapitbahay ni Jenny Rose at sinabing nabaril ang kanyang asawa.

Agad namang nagtungo si Jenny Rose sa nasabing lugar at doon ay nakita niyang duguang nakahandusay ang biktima. Mabilis siyang humingi ng saklolo sa mga opisyal ng barangay at inireport ang krimen sa pulisya.

Nasamsam ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD ang P50.00 bill, silver ring, at dalawang basyo ng bala ng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen. (Dolly B. Cabreza/ with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?