46

Jan 25, 2020 @ 21:26
By

Onofre, Lady Pirates napag-init ni Lontoc

Matapos ang mapait na pagkatalo sa College of Saint Benilde, muling sumiklab ang Lyceum Lady Pirates, pinasabog ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-23, 25-19, 25-23, sa NCAA Season 95 women’s indoor volleyball tournament Sabado ng hapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Nanguna sa opensiba ng Intramuros-based squad si Mary Joy Onofre na tumugon sa marubdob na panawagan ni Emil Lontoc para makabawi ang LPU sa tinagpas na 15 points kabilang ang 5 blocks.

Umagapay kay Onofre si team skipper Ciamelle Wanta na nag-ambag ng 14 markers para kunin ang unang nilang panalo sa liga sa apat na laro.

Susi ng pagkapanalo ng Lyce ang pagbabanat ng buto nila sa training at paghamon ni ng kanilang coach na makabawi.

“Ang sabi ko, yung intensity ng aming training, yung intensity ng aming laro, dapat hindi nagbabago,” giit ni LPU coach Lontoc. “Sabi ko nga, itong last six games namin, isa-isahin lang namin.”

Bitin ang 12 points ni Dolly Versoza para sa Mandaluyong-based squad upang pagandahin pa sana ang kanilang sumadsad na markang 1-3.

Susunod naman na haharapin ng Lyceum ang EAC Lady Generals sa Martes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?