12

Sep 6, 2020 @ 12:08
By

Online classes naawat ng teenager dahil sa cyberattack

Dahil sa paglulunsad ng cyberattack ng isang 16 anyos na indibidwal, ayon sa awtoridad, tatlong araw na naantala ang online learning sa isang paaralan.

Inakusahan ang isang South Miami Senior High student na pasimuno sa 8 sa 24 cyberattack na pinaralisa ang unang 3 araw ng virtual classes ng mga public school sa Miami-Dade County, Florida sa Amerika.

Hindi pinangalanan ang suspek dahil ito ay menor de edad.

Gumamit umano ang 16-anyos ng simpleng programa, “Low Orbit Ion Cannon (LOIC),” para makapagkasa ng “distributed denial of service attack” o DDoS attack. Dito, gumagamit ng mga random computer para ma-overwhelm ang isang website ng sangkatutak na datos.

Ayon kay cybersecurity expert Barrett Lyon, sa ulat ng Miami Herald, katumbas ito ng pag-activate ng fire alarm ng paaralan o may nagpakitang 1,000 katao sa isang kainan pero hindi naman kakain.

Duda ang School Board at ang madla na ang palpak na simula ng online classes ay dahil sa cyberattacks dahil mas kinukuwestiyon ng mga ito ang pagiging mabisa ng My School Online, ang bagong online platform ng distrito.

Sabi ng isa pang cybersecurty expert na si Mark Rasch, sa ulat, madali lang mapigilan ang ginawang cyberattack ng 16-anyos at baka outdated na ang router configuration ng paaralan.

Samantala, natukoy ng mga awtoridad na nanggaling ang ibang cyberattack sa Miami-Dade Schools sa IP addresses sa Russia, Ukraine, China, Iraq at iba pang bansa.

Naghain na ng subpoena ang pulisya sa Comcast, ang internet provider ng school district.

Samantala, ang court hearing ng estudyanteng suspek ay tinakda sa Oktubre 8.

Humaharap siya sa mga kasong using a computer to attempt to defraud at interference with an educational institution.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?