40

Mar 15, 2021 @ 17:03
By

Online class ng Duterte admin palpak – ACT

Online class ng Duterte admin palpak – ACT

Binanatan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang umano’y palpak na programang distance learning ng gobyernong Duterte.

Sang-ayon ang ACT sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 89% pamilya, na may estudyanteng anak edad 5-20, ang nagsabing mas mahirap ang blended learning kaysa face-to-face class.

Kaya naman nagbabala ang ACT na mas mahihirapan pa ang mga estudyante dahil sa plano ng Department of Education (DepEd) na bawasan ang paggawa ng mga printed module at palakasin ang pagtuturo online dahil sa isyu sa budget.

Tanong ni ACT Secretary General Raymond Basilio, ilang survey pa raw ba ang kailangan ng gobyerno para pakinggan ang lumalalang education crisis at maglaan ng dagdag budget upang maibsan ang paghihirap ng mga estudyante, guro at mga magulang.

Binabatikos ng ACT ang aide memoir na may petsang March 10, 2021 na inilabas ng opisina ni Undersecretary Alain Pascua kung saan nakasaad ang estratehiyang taasan ang paggamit ng online platform na DepEd Commons, mula sa kasalukuyang 9.5 milyon patungong 15 milyong users, para mabawasan ang gastusin ng DepEd sa pagpi-print ng module.

Ani Basilio, isang “tactless at heartless” na hakbang na puwersahin ang mahihirap sa online class subalit wala namang inilalaan ang gobyerno na budget para sa gadget at internet ng mga estudyante.

Dagdag niya, lalo lamang hindi maaabot ng mga mahihirap ang edukasyon at makakadagdag pa ito sa problemang pinansiyal ng pamilya.

“Isang taon na tayo sa quarantine at napakalinaw na isang malaking palpak ang programang distance learning ng gobyernong Duterte. This disaster has to be remedied immediately. If the government truly cares for our learners and educators, they need to listen to their woes and implement a concrete and grounded plan to salvage the declining state of our education,” giit ni Basilio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?