8

Sep 24, 2020 @ 18:41
By

Online Bar exam iminungkahi ni Tolentino

Inirekomenda ni Senador Francis Tolentino ang pagsasagawa ng Bar examination sa pamamagitan ng online para na rin sa kaligtasan ng mga examinee sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ipinabatid ni Tolentino ang kanyang panukala kay Supreme Court Justice Diosdado Peralta sa budget hearing ng panukalang 2021 budget ng hudikatura.

Sabi ng senador na isa na ring abogado, ang online Bar examination ay ginawa na sa ibang bansa tulad sa United States, partikular sa Michigan, District of Columbia, Louisiana at New York.

Ayon naman kay Peralta na kanilang titingnan ang posibilidad ng pagpapatupad ng online Bar examination para sa susunod na scheduled test sa Nobyembre 2021.

Ito’y gagawin sabay-sabay sa Manila at dalawa pang site sa Visayas at Mindanao.

“Next year probably, not this year, wala na this year,” sabi ni Peralta kay Tolentino.

Nauna nang nagdesisyon ang Supreme Court en banc na hindi magsasagawa ng Bar exam ngayong taong ito dahil sa COVID-19 pandemic. Itutuloy na lang ito sa Nobyembre 2021.

Ibig sabihin nito, ang mga 2020 at 2021 Bar exam taker ay kukuha ng pagsusulit sa magkahiwalay na buwan sa 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?