40

Feb 18, 2020 @ 15:01
By

One-stop-shop tinayo sa Navotas

Pinasinayaan ng pamunuan ng Navotas City ang one-stop shop para mapadali ang pagkuha at pagbibigay ng social services o mga serbisyong tumutugon sa kapakanan ng publiko na makikita sa Navotas City Hall compound.

Pinangunahan ni Navotas Mayor Toby Tiangco, kasama sina Congressman John Rey Tiangco at iba pang opisyal ng lungsod at barangay, ang pagbabasbas at ribbon-cutting ng NavoServe sa Navotas City Hall Annex.

“Ang mga taong dumudulog sa city hall at kumukuha ng social services ay mula sa mahihirap na sektor ng ating komunidad. Upang maibsan kahit kaunti ang kanilang mga pasanin, kailangan nating siguruhin na nakukuha nila ang tulong na kanilang kailangan sa komportable, madali at maginahawang paraan,” ayon kay Mayor Tiangco.

Sa kabilang banda, pinaalalahanan ni Cong. Tiangco ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na palagiang maglingkod nang may pagmamalasakit at pagkalinga. “Karaniwan sa mga taong pumupunta dito upang humingi ng tulong ay hirap sa buhay. Sikapin natin na mapaglingkuran sila nang may respeto at pagkalinga,” ayon pa dito.

Sa NavoServe pinoproseso ang mga dokumentong kailangan sa pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan, kasama dito ang sertipikasyon mula sa City Information and Communications Technology Office (ICTO), certificate of indigency, at social case study.

Makukuha din dito ang mga serbisyong tulad ng Navotas Hospitalization Program (NHP); medical assistance mula kay Mayor Tiangco; Commission on Higher Education (CHED) educational assistance and medical assistance mula kay Cong. Tiangco; pagproseso ng senior citizens and persons with disability (PWD) ID at booklet; at burial assistance.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?