22

Jan 13, 2022 @ 16:49
By

One Hospital Command dinadagsa ng mga tawag

Mahigit isang libong tawag kada araw ang tinatanggap ng One Hospital Command ng Department of Health (DOH) para humingi ng tulong kaugnay sa COVID-19.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega na siyang Head ng One Hospital Command na karamihan sa mga tumatawag ay naghahanap ng quarantine facilities o kaya naman ay nagpapatulong sa home isolation.

Ang kaibahan aniya noong kasagsagan ng pananalasa ng Delta variant ay home isolation at quarantine ngayon ang kailangan at hindi referrals ng mga hospital at intensive care units na naranasan noong nakalipas na taon.

“Dahil sa mataas na bagong bilang ngayon, talagang gumagrabe iyong number of calls at napansin namin na itong mga karamihan ng calls, 60% ng calls ay naghahanap ng quarantine isolation or isolation facilities o kaya ay nagpapa-assist sa home isolation,” ani Vega.

Sa ngayon, ayon sa opisyal ay kakaunti lamang ang referrals nila sa mga hospital at ICU dahil ang karamihan sa mga may sintomas ay mild to moderate COVID lamang.

Pero magkagayunman, sinabi ni Vega na muli nilang binuksan ang mga isolation at quarantine facility para agad magamit sakaling mas tumaas pa ang bilang ng mga tatamaan ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?