49

Jul 16, 2021 @ 17:59
By

‘One Filipino, One Bank Account’ susi sa maayos na pamimigay ng ayuda – Gatchalian

Maiiwasan na ang pagkaantala ng pamimigay ng tulong pinansyal o ayuda ng gobyerno kung direkta itong idi-deposito sa nakatalagang bank accounts ng mga benepisyaryo at hindi na kailangang idaan pa sa mga digital platform na minsan ay sumasablay, ayon Senador Win Gatchalian.

Ito aniya ang dahilan kung bakit marami ang hindi pa nakakakuha ng kanilang ayuda na noong isang taon pa ipinangako.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2251 o ang panukalang One Filipino, One Bank Account Act na inihain ni Gatchalian, ang mga benepisyaryo ay direkta nang makakatanggap ng ayuda sa kani-kanilang bank accounts at hindi na kinakailangan pang gumamit ng mobile o anumang software application programs.

“Sa ganitong setup, mas mabilis at makasisiguro tayo na direkta na agad sa mga benepisyaryo ang punta ng ayuda. Magagamit natin ito sa mga susunod pang pamimigay ng ayuda ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian.

“Hindi kailangang maging kumplikado ang sistema lalo na kung tulong para sa mga kababayan nating nasa malalayong lugar ang pinag-uusapan. Halos karamihan sa kanila ay walang internet connection,” dagdag ng senador.

Naglaan ang gobyerno ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino para matustusan ang kanilang mga pangangailangan sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na isinabatas noong nakaraang taon.

Napaso na ang Bayanihan 2 Law noong nakaraang Hunyo 30 pero hindi pa rin nakukumpleto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ipinamamahagi nitong ayuda.

Matatandaang lumagda ng memorandum of agreement ang DSWD, Land Bank of the Philippines (LBP) at anim na financial service providers (FSP) na kinabibilangan ng Robinsons Bank, Unionbank, RCBC, GCash, PayMaya at Starpay noong Hunyo 30, 2020 para sa ikalawang bugso ng pamimigay ng Social Amelioration Program (SAP).

Pero bumigay ang digital platform at nagdesisyon ang DSWD na putulin na ang serbisyo ng mga FSP at gawing mano-mano na lang ang pamamahagi ng natitira pang ayuda hanggang sa katapusan nitong buwan.

Sa panukalang batas ni Gatchalian, lahat ng Pilipinong may national ID o nakapagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) Act ay magkakaroon ng bank account sa LandBank o sa Development Bank of the Philippines (DBP) at hindi sisingilin ng opening, maintenance fees, at iba pang karagdagang bayarin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?