903

Jan 7, 2022 @ 18:21
By

Omicron blessing daw: OCTA fellow kinontra ng mga eksperto

Nagkakaisang kinontra ng mga eksperto sa medisina ang naging pahayag ni OCTA Research fellow Father Nicanor Austriaco na blessing ang pagdating ng Omicron sa bansa.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Dr. Edsel Salvaña na ang Omicron ay isang uri ng virus at hindi bakuna kaya maaari itong magdulot ng pinsala sa isang tao.

Mahirap aniyang sabihing ang Omicron ang magliligtas at magtutuldok sa dinaranas na kalbaryo ng mga Pilipino.

“Ang Omicron po ay virus, hindi po siya bakuna at puwede pong magdulot ng malaking pinsala. Mahirap ho may sabi na “beginning of the end” kaya huwag po tayong magiging complacent,” ani Dr. Salvaña.

Sinabi naman ni Department of Health Spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi dapat magpahawa ang mga tao dahil kapag maraming naimpeksiyon, mas maraming pagkakataon ang virus na mag-replicate o magparami.

Binigyang-diin ni Vergeire na hindi ganito ang itinuturo ng gobyerno dahil kailangang mag-ingat para mapigilan ang pagdami ng COVID cases.

” Huwag po tayong magpahawa dahil sa statements na ganito. Hindi po ganyan ang direksiyon ng ating response dito. Kailangan pa rin po nating mag-ingat, kailangan nating pigilang dumami pa ang impeksiyon at variants ng omicron virus,” ani Vergeire.

Sinabi naman ni Dr. Anna Lisa Ong-Lim na sana magdilang-anghel si Father Austriaco, pero mads maganda aniyang mag-ingat at huwag sadyaing magpahawa sa Omicron dahil sa paniwalang magkakaroon ng bisa ang kanilang anti-bodies laban sa Delta virus at iba pang variant.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?