By

Ombudsman, walang power na utusan ang Kamara – Alvarez

Sharing is caring!

“Hindi ko alam kung sino ‘yung puwede nilang utusan diyan pero hindi ako.”

Ito ang binigyang-diin ni Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez kaugnay sa dismissal order ng Office of the Ombudsman laban kay Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia dahilan sa grave misconduct.

“Dahil para utusan nila ako kailangan ay mayroong basehan sa Saligang Batas ngayon kahit na pagbali-baligtarin ko ang pagbasa ko sa Saligang Batas eh wala talagang basehan at walang nagsasabi doon na ‘yung Ombudsman ay may power to discipline, much more to remove or even suspend ‘yung members ng House of Representatives,” sabi ni Alvarez sa isang panayam kahapon.

Batay sa isinasaad aniya sa Saligang Batas, ang Kamara o Senado lamang ang may kapangyarihan para displinahin ang kani-kanilang miyembro kung magtatanggal o magpapatupad ng suspensiyon.

Walang problema aniya sa tungkulin ng Ombudsman na magsampa ng kaso sa Sandiganbayan.

“Pero para utusan kami na i-implement ang kanilang order na tanggalin ang miyembro dito (sa Kamara) o kaya ay isuspende ay hindi siguro tama dahil walang legal basis… wala talaga silang power diyan… kahit na tingnan mong mabuti hindi ganu’n kadali na magtanggal ka ng isang elected official. Saka may separation of powers tayo halimbawa ito ‘yung may mga kaso sa Sandiganbayan meron silang sinuspende na miyembro ng House of Representatives ‘yun iginalang ko. Pero as far as the Ombudsman is concern… ano ‘yun eh prosecutorial function ‘yung Ombudsman. Isampa ‘yun sa Sandiganbayan let the Sandiganbayan decide,” paliwanag ng pinuno ng Kamara.

Kung sakaling makarating man aniya sa Supreme Court (SC) ang usapin at naaayon naman sa katwiran ang magiging kapasyahan ng Pinakamataas na Korte ay susundin umano ito ni Alvarez.

“Tingnan natin kung convincing naman ang reasoning ng Supreme Court maaari, puwede nating sundin,” sabi pa ng House leader.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?