26

Sep 7, 2021 @ 15:43
By

Ombudsman tinabla hirit ng mga abogado sa SALN ni Duterte

Tumanggi ang Office of the Ombudsman na maglabas ng kopya ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Pangulong Rodrigo Duterte na hiling ng mga abogado.

Sinabi ito ni lawyer Dino de Leon kasabay ng pagpapakita ng litrato ng naging tugon ng Ombudsman sa kanilang hiling.

Mababasa sa dokumento na tinabla ni Ombudsman Samuel Martires ang hiling sang-ayon sa Ombudsman Memorandum Circular No. 1, Series of 2020.

Sa ilalim ng naturang circular, maaari lamang ibigay ang kopya ng SALN sa mismong may-ari nito o awtorisado niyang kinatawan, sa pamamagitan ng court order para sa nakabinbing kaso at request ng Field Investigation Office/Bureau/Unit ng Ombudsman para sa layunin na pagsasagawa ng fact-finding investigation.

Pero ani De Leon, malinaw sa batas na dapat accessible sa publiko ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno.

“Bakit takot na takot sila na ipakita ang SALN ng Pangulo? Kung walang tinatago, wala dapat ikatakot. The law is very clear: the SALN of public officials should be accessible to the public,” giit niya.

Aniya, si Senadora Leila de Lima ang nag-request sa kanya na gumawa ng Freedom of Information request sa SALN ng Pangulo noong nakaraang taon.

Kaya naghain siya pati na ang mga abogadong sina Josef Garcia at Teddy Rigoroso ng FOI request sa Malacañang Records Office.

Pero ipinasa ng Office of the President ang hiling nila sa Ombudsman bilang official repository ng lahat ng SALN.

Tinutulak ni De Leon ang paglalabas ng SALN ni Duterte sa gitna ng alegasyong korapsyon sa kontratang iginawad sa Pharmally para sa pagbili ng mga medical supply.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?