62

Oct 15, 2017 @ 13:43

Ombudsman probe kay Duterte, ipapatigil ng Palasyo

Plano ng Malakanyang na magpasaklolo sa Korte Suprema upang lubayan ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng tagng yaman nito.

Ayon kay kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, labag sa Konstitusyon ang ginagawa ng Ombudsman.

Nauna nang inihayag ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na sinisiyat na nila ang ang alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV na nagkaroon ng mahigit P2 bilyon ang pangulo sa bangko.

Sinabi ni Panelo, sa panayam ng radio station na DZBB, hindi pwedeng isiwalat ng Ombudsman kapag mayroon itong imbestigasyon dahil makakasira ito ng reputasyon.

Kahit din mag-imbestiga ang Ombudsman, hindi rin nito pwedeng ihabla ang nakaupong Pangulo na mayroong immunity mula sa anumang demanda habang nanunungkulan.

“Pupunta kami sa Korte Suprema para patigilin sila,” ayon kay Panelo.

Ani Panelo, may ganoong immunity ang pangulo upang hindi ito magambala sa kanyang trabaho.

“Alam mo ang nire-react ng Presidente kasi itong si Carandang, lumabag siya sa ating batas. Ang batas kasi hindi ka pupwedeng maglabas ng mga investigatory records kapag pag meron kang iniimbestiga. Kasi sisirain mo yung chance ng respondent to a fair trial. Nakasisira ka ng imahen,” pahayag ni Panelo.

Sa pag iimbestiga ng Ombudsman, nagagambala umano ang Pangulo sa trabaho dahil kinakailangan nyang ipagtanggol ang sarili.

“Sa Section 22 ng Republic Act 6770, sinasabi na meron silang power to investigate sa mga impeachable officers, itong provision na ito ay labag sa doktrina na immunity from suit ng Presidente kasi meron tayong doktrina na you cannot sue a sitting Presidente. That’s because sisirain mo yung kanyang efficiency pati yung oras niya, ang gagawin niya ipagtatanggol niya yung sarili niya,” dagdag ni Panelo.

Sabi pa ni Panelo, “may kasalanan” si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa imbestigasyon sa Pangulo dahil sinusuportahan nito si Carandang. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?