27

Sep 15, 2021 @ 17:50
By

Ombudsman kinontra ng mga negosyante sa SALN

Tinutulan ng apat na grupo ng mga negosyante ang panukala ni Ombudsman Samuel Martires na ituring na krimen ang pagbibigay ng komento tungkol sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan dahil paglabag ito sa karapatan ng mga taong magsalita na siyang haligi ng ating demokrasya.

Sa joint statement ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX); Integrity Initiative, Judicial Reform Initiative; at Makati Business Club, sinabi nilang may mga batas ang bansa tungkol sa libel at slander na tutugon sa mga umaabuso sa free speech at hindi na kailangan pa ng panibagong batas ukol dito.

Sabi nila, ang SALN ay bahagi ng sistema ng bansa na nakatutulong sa pagsulong ng maayos na pamamahala mula sa mga opisyal ng pamahalaan. Ang Ombudsman ay bahagi ng sistema na susupil dapat sa katiwalian at ito pa dapat ang nauuna sa pagsusulong ng transparency.

Para sa Integrity Initiative, mas tiwali pa ang pagkukubli sa SALN at panggigipit sa mga magsasalita tungkol dito kaysa sa katiwalian na dapat hinahalughog at pinaparusahan ng Ombudsman.

“The Ombudsman should prosecute government officials involved in graft and fraud and not persecute citizens who complain about them or comment on their SALN. This overprotection at the expense of civil liberties is as corrupt, or even more corrupt that the corruption it is preventing to be exposed,” sabi ni Atty. Alexander Cabrera, chairman ng Integrity Initiative.

“The SALN—and the ability to access and comment on it—is important because bribes often end up in assets,” nakasaad sa joint statement.

Anila, mahalaga ang integridad sa mga opisyal at kailangan ng mga taong susulong sa interes ng mga mamamayan at hindi ng kanilang makasariling interes.

“Integrity is critical to our society and leaders in government, business, and other sectors, should set the tone. We need leaders with integrity who will work for the people, not themselves, who will ensure public resources go to the common good, not their private interest,” sabi nila.

Dagdag ng mga negosyante, isang taon na simula nang harangin ang mga tao sa pagsuri sa SALN ng mga opisyal at ang panukalang gawing krimen ang pagsasalita tungkol dito ay titibag sa karapatan ng mga mamamayan sa public information and official records na ginagarantiya ng Konstitusyon.

Sabi ng mga negosyante, mas kinakailangan ngayon ang maayos na pamamahala para makahikayat ng mga investor na siyang kailangan para magkagawa ng trabaho para sa mga tao.

“When used properly and well, the SALN can help identify and remove corrupt officials, entrust government to true public servants, and encourage small and big businessmen to invest and create jobs,” sabi pa sa pahayag ng mga negosyante.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?