105

Jan 25, 2019 @ 16:21

Ombudsman kinalampag na ng Palasyo kaugnay ng SAF 44

Kinalampag ng Malacañang ang Office of the Ombudsman para resolbahin ang kasong isinampa laban sa mga dating opisyal na naging dahilan ng malagim na pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Kasunod ito ng ika-apat na taong anibersaryo ng karumal-dumal na sinapit ng SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao na idineklarang Day of National Remembrance.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kahit ipinagdarasal ngayon ng sambayanan ang kaluluwa ng mga namatay na pulis at kahit ginawaran na ang mga ito ng pinakamataas na parangal at pagkilala dahil sa kanilang pagbubuwis ng buhay, hangad pa rin ng gobyerno at pamilya ng SAF 44 ang hustisya sa mga ito.

Kinilala ng Palasyo ang ipinakitang katapangan at kabayanihan ng SAF 44 na nagbuwis ng kanilang buhay para sa bansa.

Naghihintay aniya ang mga naulila na makitang may maparusahan sa palpak na police operation para kunin ang international terrorist na si Zulkifli, alyas Marwan.

“We urge the Office of the Ombudsman to resolve with dispatch the case filed against those who recklessly placed them in mortal peril. The nation demands justice for them as well as the prosecution of those responsible for the botched police operation,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na hindi nila papayagang maulit ang trahedya at dapat matuto ang mga opisyal sa nakalipas na pagkakamali dahil mababalewala lamang ang kagitingan ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno.

“Never again will we allow a recurrence of such tragic event. Those in authority must learn from the mistakes of the past otherwise those valorous men in uniform would have died in vain,” dagdag pa ni Panelo.

Kabilang sa mga kinasuhan sa Ombudsman dahil sa Mamasapano massacre ay sina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating PNP Chief Director General Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas at iba pa. (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?