270

Jan 5, 2021 @ 19:43
By

Olongapo Police chief sinibak sa viral buy-bust

Sinibak na sa puwesto ang hepe ng pulisya sa Olongapo City habang gumugulong ang imbestigasyon sa nag-viral na buy-bust operation at pag-aresto sa isang lalaki noong Enero 2.

Ito’y base na rin sa inilabas kagabi na pahayag ng regional office sa kanilang official Facebook page.

Ayon kay Police Regional Office III Director PBGen. Valeriano de Leon, nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon sa nag-viral na video ng pag-aresto sa drug suspect sa New Cabalan na si Nesty Gongora kung saan inakusahan ng police brutality ang ilang operatiba ng Police Station 4.

Kaugnay nito, ipinag-utos agad ni De Leon ang “administratively relieve” sa station commander ng PS4 na si Capt. Walter Primero.

Matatandaan sa video, si Primero at ang Drug Enforcement Unit ng kanyang istasyon ay naaresto ang suspek sa droga na si Gongora habang sinusubukan ng mga kaanak na pigilan ang mga pulis mula sa paghila nito para isakay sa isang kotse.

Makikita sa video na nagkaroon ng komosyon, kung saan depensa ng ama nito na kaya umalma ang pamilya ay dahil sa biglaang pagdating ng mga lalaking nakasibilyan at pilit na isinasama ang suspek.

Iginiit naman ng Olongapo City Police Office na lehitimo ang isinagawang operasyon ng mga otoridad.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Leon na kinukuha pa rin nila ang lahat ng impormasyon tungkol sa insidente na nakuha sa camera.

Ayon naman sa pamilya ni Gongora, siya ay inaaresto dahil sa paglabag sa hindi pagsusuot ng face mask ngunit laking gulat na lang nila nang kalaunan ay sinabi na si Gongora ay nahulihan na may mga sachet ng shabu.

Dahil sa insidente, nagsampa na din ng kaso ang pulisya ng “obstruction of justice” laban sa mga kamag-anak ni Gongora na nagtangkang pigilan ang pag-aresto.

Samantala, base naman sa chemistry report kung saan kinunan ng urine sample ang suspek na si Gongora ay nagpositibo ito sa paggamit ng iligal na droga. (Randy Datu)

Watch the video here: gongora video

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?