310

Mar 10, 2020 @ 12:44
By

Olangapo Mayor Paulino: Mga negosyante dapat makiisa vs coronavirus

Nanawagan ang pamahalaang lokal ng lungsod na ito sa lahat ng negosyante sa nasasakupan na makiisa sa isinasagawang pag-iingat laban sa kumakalat na coronavirus o COVID-19.

Ang panawagan ay ginawa ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr., sa pamamagitan ng mga liham na ipinadala sa lahat ng may-ari ng negosyo sa lungsod.

Kabilang sa mga isasagawang pag-iingat laban sa pagkalat ng coronavirus ay ang paggamit ng non-contact thermal scanner upang ma-monitor ang temperatura ng pumapasok na kliyente o customer sa kanilang establismiyento.

Dapat din umanong isumite sa City Health Office ang talaan ng mga kawani o kliyente, na kinailangang sumailalim sa 14-day self-quarantine, particular yaong mga galing sa ibang bansa na may ulat ng positive COVID-19, alinsunod sa DOH protocol.

Inoobliga rin ang lahat ng establismento na maglaan ng sapat na suplay ng hand sanitizer, sabon, paper hand towel, basurahang may takip, para magamit ng mga kawani at kliyente o kostumer.

Kapag ang isang kawani o kliyente ay kinakitaan ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, kakapusan ng paghinga at nahihirapang huminga, dapat itawag agad ito sa City Health Office para sa karampatang pagsusuri.

Ayon kay Paulino, ang panawagan ay bilang pagtalima sa DILG Memorandum Circular 2020-23, Amemded Guide to Action Against the 2019 Novel Coronavirus Acute Resperatory Disease.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?