111

Nov 8, 2017 @ 16:19
By

Oil spill sa Caluangan Lake pinangambahan

Rumesponde ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard-Marine Environmental Protection Command matapos itawag ng ilang concerned citizen ang kanilang pangamba na umabot sa Caluangan Lake sa Calapan City, Oriental Mindoro ang nangyaring oil spill.

Paglilinaw ni Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, batay sa kanilang ginawang assessment, hindi ito isang maritime incident, bagaman kumpirmado ang pagkakaroon ng oil spill na humalo at nakaapekto sa may 8-ektaryang bukirin na may nakatanim na palay.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa PCG, nagmula ang tagas ng langis sa DMCI power corporation.

Tinatayang 800 litrong langis ang umabot na sa bahagi ng Kataning Creek at upang hindi na lumala ang sitwasyon ay naglagay ang PCG ng oil spill boom sa bukana ng ilog upang hindi na ito umabot pa sa karagatan.

Sa kasalukuyan ay kontrolado na ang pinagmulan ng oil spill bagaman wala pang pormal na ulat ang DMCI power plant sa insidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng tinatawag na high level alarm trip dahilan upang tumagas ang bunker fuel na ginagamit ng nabanggit na planta.

May 10 na drum na ng bunker fuel ang nakolekta ng PCG. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?