85

Nov 22, 2021 @ 12:22
By

OFWs makakauwi na! Saudi, UAE, Kuwait swak na sa green list

Maaari ng makauwi sa bansa ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na manggagaling sa Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE) at Kuwait matapos mapabilang ang mga ito sa listahan ng mga bansang nasa green list.

Sinabi ni Administrator Leo Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magandang development ito para sa mga OFW na gustong-gusto ng makauwi sa bansa.

Hindi na rin aniya kailangang i-quarantine ang mga OFW mula sa tatlong nabanggit na bansa kapag sila ay fully vaccinated na at nakapagprisenta ng negatibong RT-PCR test result.

“Pumasok na ang Saudi, UAE at Kuwait sa greenlist. Pag Saudi OFW ka, fully vaccinated at paglapag sa airport may dala kang negative RT-PCR test, puwede na diretso uwi. Ihahatid kayo ng ating chartered buses or chartered flight,” ani Cacdac.

Malaking bagay aniya ito para sa mga OFW dahil agad nilang makakapiling ang kanilang mahal sa buhay pagbalik sa bansa.

Sinabi ni Cacdac na malaking bentahe rin sa panig ng OWWA ang bagong desisyon ng Inter-Agency Task Force dahil malaking kabawasan ito sa gastos sa hotel quarantine, pati na rin sa pagkain ng mga umuuwing OFWs.

“Wala ng quarantine. Mahalagang development ito, makaka-spend sila ng more time sa kanilang mga pamilya. Sa side naman ng OWWA, makikita natin na kahit papaano ay maiibsan ang gastos sa hotel, quarantine, food,” dagdag ni Cacdac.

Malaking halaga ang binabayaran ng OWWA sa hotel quarantine ng mga OFW na inaabot dati ng mula 10-14 na araw dahil hinihintay pa ang resulta ng kanilang RT-PCR test bago tuluyang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?