29

Dec 8, 2020 @ 14:07

OFW sa Taiwan lumabag sa quarantine nang 8 segundo, may P170K multa

Pinagbabayad ng P170,000 multa ang isang lalaking overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan dahil lumabag ito sa quarantine protocol nang walong segundo lamang.

Dapat kasing manatili lang sa loob ng kanyang hotel room ang Pinoy nang 14 araw pagdating sa Kaohsiung City, Taiwan.

Pero lumabas siya sa kanyang hotel room, Nobyembre 13, para mag-iwan ng isang bagay sa pinto ng isa pang kaibigan na nagka-quarantine din sa parehong floor, ayon sa ulat ng state-run Central News Agency.

Nakunan sa CCTV ang aksiyon nitong OFW at inulat ng hotel staff sa Department of Health sa Taiwan.

Dahil dito, pinagmulta ng ahensiya ang OFW nang 100,000 Taiwan dollars o nasa P170,000.

Dagdag sa ulat, mula Nobyembre 1 hanggang Disyembre 5 ay may siyam na foreign worker sa Kaohsiung na lumabag sa quarantine regulation.

Ang multa sa nasabing paglabag sa naturang lungsod ay nagkakahalagang mula P170,000 hanggang P1.7 milyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?