38
king-fahd
By

OFW sa Saudi pinalagok ng bleach, seryoso ang kondisyon

Sharing is caring!

Kumikilos na ang konsulada ng Pilipinas sa Saudi Arabia para masigurong mananagot ang amo ng Filipinang kasambahay na pinuwersang uminom ng household bleach.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakikipag-ugnayan na sa mga awtoridad ng Jeddah ang Philippine Consulate General upang mabigyang-hustisya ang sinapit ng OFW na si Agnes Mancilla, isang household service worker.

Tiniyak namang bantay-sarado ng konsulada ang kondisyon ni Mancilla na nasa seryoso pero stable na kondisyon sa King Fahad Central Hospital sa Jizad kung saan ito isinugod nang walang malay ng mga kapwa Filipino noong Abril 2.

“We would like to assure our kababayans that we are working closely with authorities in Jizan to make sure that justice will be given to Agnes Mancilla,” ayon kay Consul General Edgar Badajos.

Nagpatulong na rin ang konsulada sa Filipino community roon para sa pagmomonitor ng kondisyon ni Mancilla.

Sumailalim si Mancilla sa laparotomy o inoperahan sa bituka upang matanggal ang bleach.

Sa pagsusuri ng mga doktor, nakita ang maraming marka ng paso sa likod nito.

Ayon kay Badajos, nagtrabaho si Mancilla sa Saudi Arabia mula noong 2016 at paulit-ulit umanong sinaktan ng among babae bukod sa hindi pa pinasuweldo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?