22

Oct 14, 2021 @ 15:36
By

OFW minaltrato ng amo, niloko ng kapwa Pinoy

Nangako ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan nila ang isang OFW mula sa Kuwait na matapos makaranas ng pagmamaltrato sa kanyang mga amo ay niloko pa ng mga kapwa Pinoy.

Ayon sa ulat ng GMA, kinilala ang OFW na si Maribel Cantillo, tubong Aurora.

Kwento niya, dalawang taon siyang nagtrabaho bilang domestic helper sa Kuwait at ni minsan ay hindi siya pinayagan ng kanyang amo na mag day-off.

Bukod dito, hindi siya binabayaran ng tama, kung saan sa halip na P43,000 kada buwan ay nasa P8,000 lamang ang binabayad sa kanya.

“Marami po akong ano sa kanya. Mayroon ‘yung itinulak niya ako sa hagdan buti po nasalo ako. Mayroon ‘yung sabuyan ka ng tubig. Marami po akong ano doon pero hindi po ako nagsalita. Tiniis ko lang po,” kwento ni Cantillo.

Maging bago umuwi ng bansa ay hindi man lang siya binigyan ng pagkain bago umalis.

May mga nagmagandang-loob na kapwa Pinoy at tinulungan umano siya habang nasa gitna ng byahe pauwi ng bansa. Ang problema, ilang kapwa OFW ang ninakaw ang mga perang binigay sa kanya habang nasa gitna ng quarantine pagkauwi ng Maynila.

Kaya naman nangako ang OWWA na ‘di nila pababayaan si Cantillo. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?