339

By

OFW ID Card, ipamimigay na ng DOLE

Sharing is caring!

Maari nang makakuha ng iDOLE ID Card ang mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Pero para sa unang bahagi ng pagpapalabas ng ID, ang mga returning OFW o Balik-Manggagawa ang makakatanggap muna nito.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, ang limitadong pagpapalabas ng iDOLE ID card para sa paunang bahagi ay para masubok at matiyak ang seguridad ng mga features ng sistema nito.

“This is only the first phase of implementation and will cater first to our Balik-Manggagawa until the system is ready for all OFWs. We are doing this to secure the database and for further improvements in the system,” saad ni Bello.

Para makapag-aplay ng ID, kinakailangan lamang maglog-in ng Balik-Manggagawa (BM) o nagbabakasyong OFW sa kanilang BM online accounts.

Ang ID ay magagamit sa pagproseso ng exemption sa travel tax at terminal fee at sa pagpoproseso ng transaksyon ng OFW sa gobyerno at pribadong ahensya kaugnay ng kanilang overseas employment.

Maari silang gumawa ng account sa website na iDOLE.ph o sa iDOLE One-Stop Online Facility/Portal at mag-aplay para sa OFW ID sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang pinakahuli at valid na Overseas Employment Certificate (OEC) Number.

Ang ID ay mayroong decrypted QR code bilang bahagi ng security feature nito.

Paglilinaw ni Bello, libre ang iDOLE OFW ID Card dahil ang produksyon nito ay pinopondohan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“This is free for our OFWs. We do not want our OFWs to shoulder the cost because this is a gift from the President to recognize their sacrifices and immense contribution to our economy,” paliwanag ni Bello.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?