43
ofws
By

OFW deployment ban sa Kuwait, samo ng CBCP

Nanawagan ang Simbahang Katolika sa pamahalaan na magpatupad ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.

Bukod sa deployment ban, hinikayat din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP -ECMI) ang administrasyong Duterte na obligahin ang gobyerno na ipatupad ang kasunduang pinagtibay ng Pilipinas at Kuwait noong nakaraang taon para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dapat tiyakin ng dalawang bansa na mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng isang Filipina na inabuso ng isang airport security personnel sa Kuwait.

Bukod sa pagtulong at pagbibigay ayuda, kailangan aniyang ipatupad ang nasabing kasunduan upang matigil na ang pang-aabuso sa mga OFW.

“Both government must see to it that the suspected rapist-in-uniform must be prosecuted, punished; Justice must be served to our con national,” ani Santos.

Malinaw aniya itong paglabag sa kasunduang nilagdaan ng Kuwait at Pilipinas sa pangangalaga sa kapakanan, kaligtasan at pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawang Filipino.

Naninindigan din ang Obispo na dapat maaresto at maparusahan ang 22-taong gulang na suspek na kinilalang si Fayed Naser Hamad Alajmy na dumukot at gumahasa sa OFW.

Pebrero ng nakalipas na taon nang ipatupad ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait matapos ang kalunos-lunos na pagpatay sa Filipinang si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer.

Binawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ban noong Mayo ng nakaraang taon matapos lagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait ang isang kasunduan na naglalayong mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga OFW sa Kuwait.

Nakapaloob rin sa kasunduan ang pagkakaroon ng special police unit na magsisilbing katuwang ng Embahada ng Pilipinas sa pagsasagawa ng rescue operations at pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangang OFW.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?