998

May 17, 2019 @ 12:16

Odd-even scheme sa Pasig, tatanggalin ni Vico Sotto

Sa oras na maupo sa puwesto, ipapatanggal agad ni Pasig mayor-elect Vico Sotto ang traffic scheme sa kanilang lungsod.

Saad sa kanyang panayam sa dzMM, ipapasuspende niya ang odd-even scheme sa Elisco Road, San Guillermo Street; Sandoval Ave. at F. Legaspi Bridge.

Matagal na umano niyang inaayawan ang nasabing regulasyon sa trapiko sa Pasig noon pa lamang konsehal siya.

“Proud po akong sabihin at lagi ko pong sinasabi na ko lang po ang konsehal na tumutol sa odd-even na coding scheme, at tatanggalin ko po kaagad yan,” ayon kay Sotto.

“Yung pagkasulat po sa ordinansa ay puwede po natin siyang i-suspend. So in effect, matatanggal po siya,” aniya pa.

Sa scheme, bawal dumaan ang mga kotseng nagtatapos sa even number ang plaka tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyenres, samantalang odd numbers naman sa Martes, Huwebes at Sabado.

Ang odd-even scheme ay nagsimula pa noong 2016, at ayon kay Sotto, hindi ito nakakatulong mapagaan ang trapiko dahil inililipat lang nito ang pagbigat ng volume ng sasakyan sa ibang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?