66

Oct 19, 2017 @ 18:04

Obstruction of justice vs elders ng Aegis Juris

Kasama umano sa mga bagong sasampahan ng kasong obstruction of justice ng Manila Police District (MPD) ang mga senior members o elders ng Aegis Juris fraternity dahil sa umano’y pagkukunsinti at pagpapayo sa mga batang ka-brod nila na sumabit sa pagkamatay ng UST law freshman na si Horacio Castillo III.

Ayon kay MPD Director, Sr. Supt. Joel Coronel, hinihintay na lang nila ang sagot ng Facebook Philippines para kumpirmahin ang authenticity ng group chat ng mga fratmen para magamit nilang ebidensya laban sa mga ito.

Kumpiyansa ang opisyal na tatanggapin ito ng korte batay na rin sa pamantayan sa electronic evidence kung saan ay maaari itong isumite sa investigating panel bilang ebidensya sa mga akusado.

Sa kasalukuyan ay inihahanda na aniya nila ang mga isasampang kaso sa mga fratmen na direktang sangkot sa initiation rites ni Castillo sa susunod na yugto ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).

Isa umano itong batayan para maipa-disbar o matanggal sa propesyon ang mga abogadong nagkunsinti at nagpayo ng mali sa kanilang junior members.

Nauna nang ibinulgar ni Coronel sa Senate hearing noong Miyerkules na isang abogadong miyembro ng Aegis Juris fraternity ang nagpatawag ng emergency meeting para pag-usapan ang susunod nilang hakbang ilang oras matapos mamatay si Castillo.

Isa pa uling abogado na kasama rin sa group chat ang nagsabing dapat matanggal agad ang paddle sa kanilang frat library bago pa makakuha ng search warrant ang mga pulis at mapasok ito.

Samantala, sinabi ni Coronel na wala silang nakitang bakas na makapagtuturo kay UST law dean Nilo Divina na mayroon itong personal knowledge sa ginawa ng mga fratmen na kasama nito sa nasabing fraternity.

Nauna nang sinabi ni Divina na matagal na siyang nagsumite ng leave of membership dahil nakatuon ang kanyang atensyon sa kanyang trabaho at sa law firm. (Ma. Isabel Billones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?