110
obrero
Apr 10, 2018 @ 16:43
By

Obrerong maingay tumagay kinatay, 2 kainuman sugatan

Nagmistulang kinatay na baboy ang isang construction worker makaraang paulit-ulit na saksakin nang naingayang kapitbahay habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PSupt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang namatay noon din sanhi ng maraming tinamong malalalim na saksak sa katawan na si Ramilito Pacana, 43, at residente ng No. 88 Phase 1, Purok 12, Lupang Pangako, Brgy. Payatas, Quezon City.

Sugatan naman ang mga kainuman ng biktima na nakilang sina Rolly Salinas, 40, company driver ng Ergo Tech at residente ng No. 83 Phase 1, Purok 12 ng nasabing barangay, at Richard Lluz, 37, garbage collector ng No. 5 Phase 1, Purok 12 ng nasabing ring barangay.

Agad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Raymond Acebo, 33, family driver, kapitbahay ng biktima. Siya ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng CIDU ng QCPD habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo ng CIDU, ang madugong krimen ay naganap dakong alas-11:43 ng gabi sa harapan ng Palcutan Store sa Phase 1, Purok 12, Lupang Pangako, Brgy. Payatas B.

Masaya umanong nag-iinuman ang biktima at ang mga kasama niyang sina Salinas at Lluz sa harap ng bahay ng huli, at dahil sa naingayan ang suspek ay lumipat sila sa nasabing tindahan.

Pero sinundan pa rin umano ng suspek ang biktima at mga kainuman nito sa nasabing tindahan at doon ay nagkaroon sila ng matinding pagtatalo ni Salinas, hanggang sa humantong sa pananaksak ng una.

Nang makita nina Salinas at Lluz ang pananaksak ng suspek kay Pacana ay umawat ang dalawa, subalit sa halip na magpapigil ay sila naman ang inundayan nag saksak ni Acebo.

Dahil dito ay nagtatakbo ang dalawang kasama ng biktima sa takot na mapatay sila ng suspek na tila nag-aamok na. Si Salinas ay nagtamo ng dalawang saksak sa kaliwang kamay habang si Lluz ay sa daliri lamang nahagip ng patalim.

Nang makatakbo ang dalawa ay binalikan pa ng suspek ang duguang nakahandusay na si Pacana at muling tinarakan ng patalim nang paulit-ulit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?