256

Nov 5, 2018 @ 19:50
By

Obrero tinapos ang buhay sa pagbigti

Umiikot-ikot pa habang kumikisay ang nakabigting katawan ng 27-anyos na lalaki nang makita ng kanyang tiyuhin sa loob ng silid nito sa Quezon City, ayon sa report sa pulisya.

Kinilala ni PO2 Julius P. Raz, imbestigador, ang nagbigting si Gilberto Pejar Tuazon Jr., construction worker, may asawa at residente ng BH Aquino St., Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro ng nasabing lungsod.

Sa salaysay sa pulisya ng tiyuhing si Romeo Tuazon, dakong alas-7:30 ng gabi (November 4) ay nagtungo siya sa silid ng kanyang pamangkin upang dalhan ito ng pagkain dahil may sakit umano ito kaya hindi lumalabas ng kuwarto.

Subalit laking gulat umano ni Tuazon nang bumungad sa kanya ang nakabigting katawan ng pamangkin sa kisame na kumikisay-kisay pa kaya agad niyang ibinaba ito sa pagkakabigti at mabilis na tinanggal ang nakabuhol na itim na kable na nakatali sa leeg nito.

Agad na isinugod ni Tuazon ang pamangkin sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-8: 05 ng gabi, ayon sa attending physician na nakilalang si Dr. Marivel Herrera.

Nabatid na tinanggihan naman ni Gilberto Tuazon, ama ng nagbigti na magsagawa pa ng ‘ocular inspection’ ang mga awtoridad dahil naniniwala umano siyang nagpakamatay ang kanyang anak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?