128

Dec 9, 2017 @ 21:02
By

Obrero nakipagkita kay kamatayan

Dedbol ang isang obrero matapos ratratin ng baril ng hindi pa nakikilalang gunman sa Rosal Extension, Barangay Payatas A sa Quezon City, nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni P/Supt Rodel B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Edmon Peñano, 43-anyos at naninirahan sa Sugartown Subdivision sa Batasan Hills sa nasabing lungsod. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong anim na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa inisyal na report, dakong alas- 4:00 ng madaling araw ay napansin umano ng mga residente sa Payatas na nakatayo lamang ang biktima na tila may hinihintay na kausap sa nasabing lugar.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay may isang lalaki ang bilang sumulpot mula sa kanyang likuran at walang sabi-sabing pinaulanan ito ng hindi pa malamang kalibre ng baril. Nang masigurong patay na ang target ay mabilis na tumakas ang suspek.

Nasamsam ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD ang anim na basyo ng bala ng baril.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaril upang makilala ang pumatay sa biktima.

Inaalam din ng mga awtoridad kung may kinalaman sa bentahan ilegal na droga ang pamamaril matapos na malaman na dating gumagamit ng droga ang biktima, at huminto lamang nang magkaroon ng ‘Oplan Tokhang’ ang Philippine National Polce (PNP). (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?