271

Jan 1, 2018 @ 16:25
By

Obrero nagbigti sa pagsalubong ng Bagong Taon

Sa pagtatapos ng taong 2017, nagpasya na rin ang 33-anyos na construction worker na wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagbigti sa sarili sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang nagpakamatay na si Dario Abdon Bricenio, 33-anyos, binata at residente sa No. 1320 Gana compound, Balintawak, Brgy. Unang Sigaw, QC.

Ang biktima ay natagpuan ng kaniyang kapitbahay na nakilalang si John Arvin Tamayo, na nakabigti sa rooftop ng alambre na may dugtong na kable ng kuryente na siyang ipinulupot nito sa kanyang leeg.

Sa pahayag ni Tamayo kay PO3 Geroge Caculba, imbestigador ng CIDU-QCPD, dakong alas- 10:40 ng gabi nitong December 31, hinahanap niya ang kanyang kaibigan para tulungan siya sa paghahanda sa pagasalubong ng Bagong Taon, subalit nagulat na lamang siya nang mapansin ang isang anino na nakabitin.

Nang lapitan umano niya ito ay saka lamang niya nakilala ang kapitbahay niya pala ang nakabigti sa rooftop kaya agad niya itong humingi ng saklolo sa kanilang barangay na siyang tumawag naman sa himpilan ng pulisya.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may ‘foul play’ sa pagpapakamatay ng biktima dahil wala umano itong iniwan na suicide note. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?