192

Dec 30, 2017 @ 19:28
By

Obrero kinatay ng tindero sa ninakaw na manok

Patay nang pagsasaksakin ang isang lalaki na pinagbintangang magnanakaw ng manok na panabong ng isang tindero sa palengke sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Deputy Chief Insp. Illustre Mendoza, ng Caloocan City Police, alas-nuwebe ng gabi nangyari ang insidente sa kanto ng Nadurata Street at 7th Avenue, Barangay 46.

Kasalukuyan umanong nasa lugar ang biktimang si John Paloma, 44-anyos, trabahador at residente ng Ilang-Ilang Street, Malibong Matanda, Pandi, Bulacan at inaasikaso ang kanyang mga panabong na manok.

Nilapitan siya ng suspek na si Domingo Banguilan, 56, tindero, residente ng Gana Compound, Balintawak, Quezon City at kinompronta tungkol sa ninakaw umanong panabong na manok na pagmamay-ari niya na itinanggi naman ng biktima hanggang sa magkasagutan ang dalawa.

Sa tagpong ito bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak sa leeg ang biktima na nagawa pang makatakbo pero hinabol ni Banguilan at sinaksak ulit sa likod.

Agad tumakas ang suspek ngunit hinabol siya ng nagpapatrolyang sekyu ng Cybertising Philippines Inc. na nasaksihan ang pangyayari at nang makorner ay binitbit ito sa pulisya. Narekober ang ginamit nitong panaksak sa biktima.

Naisugod ng kanyang misis na nakilalang si Annalyn Paloma ang biktima sa Manila Central University Hospital ngunit patay na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?