63

By

Obrero binaunan ng bala sa leeg

Dedbol ang 37-anyos na obrero makaraang malapitang dalawang beses na binaril sa leeg ng isang ‘di pa nakilalang lalaki sa Balintawak, Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni PInsp. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Victorio Simacon Sison Jr., 37-anyos at residente ng 14U Howmart Road, Brgy. Apolonio Samson, Balintawak ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Elario L. Wanawan ng CIDU, ang pamamaril ay nangyari dakong alas-otso ng gabi sa harap ng tahanan ng biktima.

Ayon sa pahayag sa pulisya ng kapitbahay ng biktima na nakilalang si Tricia Abulag, nanonood siya ng telebisyon nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril at nang kanyang usisain ay nakita niya si Sison na duguang tumatakbo.

Humingi pa umano ng saklolo ang biktima subalit bumagsak na rin ito at binawian nang buhay.

Kasunod nito ay ang ‘gunman’ na naglalakad lamang habang isinusuksok sa beywang ang ginamit na hindi pa malamang kalibre ng baril at tumakas.

Masusing iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang nangyaring krimen para sa pagkikilalan ng tumakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?