23

Nov 24, 2021 @ 19:21
By

Obiena-Patafa sigalot nakarating sa Kamara

Naghain ng resolusyon ang isang kongresista upang paimbestigahan ang umano’y pangha-harass ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) sa Olympian na si Ernest John Obiena.

Hiniling ni Manila Rep. Rolando Valeriano sa House Committee on Youth and Sports Development na magsagawa ng imbestigasyon at repasuhin na rin ang mga panuntuhan sa ilalim ng Philippine Sports Commission law para sa kapakanan ng mga atleta.

Inakusahan ng PATAFA si Obiena ng pagpalsipika sa mga dokumento kaugnay ng mga gastos nito at ipinasosoli ang 85,000 Euros (tinatayang P4.8 milyon) na pasahod sa kanyang Ukrainian coach na si Vitaliy Petrov.

Humarap si Obiena at Petrov media at pinasinungalingan ang alegasyon.

Binago ng PATAFA ang alegasyon nito at sinabi na nabigo si Obiena na bayaran sa oras ang kanyang coach.

“Whereas, such actuations of PATAFA are tantamount to harassment, an indication of this NSA’s failure to promote his welfare, or worse, even a sabotage of the career of a distinguished national athlete,” sabi sa resolusyon.

Sinabi ni Valeriano na matagal ng inirereklamo ng mga atleta ang mga National Sports Association ng pamumulitika at kabiguan na magkaroon ng maayos na programa at umaasa na lamang umano sa pondo na ibibigay ng gobyerno sa halip na magtrabaho upang makalikom ng pondo mula sa pribadong sektor.

“We need NSAs that are not heavily dependent on government funding. They should continually generate private sector support. Their officials should go out of their way to communicate with and support our athletes, and not humiliate them in public with baseless accusations,” sabi ni Valeriano.

Kung matutuklasan umano sa pagdinig na hindi nakakatulong ang NSA sa mga atleta ay dapat lamang na baguhin na ang panuntunan ng PSC.

Si Obiena ay lumaki sa Tondo. Siya ay finalist sa katatapos na Tokyo Olympics at kasalukuyang rank 5 sa daigdig matapos na makasungkit ng pilak sa Paris Diamond League.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?