37

By

NutriAsia inutusang iregular ang 80 manggagawa

Sharing is caring!

Iniutos ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa NutriAsia Incorporated (NAI) na gawing regular sa trabaho ang 80 manggagawa ng isa sa mga kontraktor nito matapos umanong matuklasan na labor-only contracting ang umiiral sa pagitan nito at ng AsiaPro Multi-Purpose Cooperative (AMPC).

Sa kautusan na ipinalabas ni DOLE Regional Office 3 Director Zenaida Angara-Campita noong June 25, tinukoy na walang kapasidad ang AMPC na bumili ng sarili nitong mga kagamitan at makinarya dahil umuupa lamang ito ng mga gamit mula sa NAI.

Lumalabas din umano na AMPC ang may kontrol at pangangasiwa sa mga manggagawa nito na gumaganap ng trabahong kinontrata ng NutriAsia.

Dagdag pa ng DOLE, ang mga manggagawa ng AMPC ay may papel din sa quality ccontrol at research and development na direktang konektado sa pangunahing negosyo ng NutriAsia.

Kasabay nito, inatasan din ng DOLE ang AMPC na itigil na ang pangongontrata ng mga manggagawa.

Samantala, tinukoy naman ng DOLE na tumatalima sa batas paggawa ang iba pang kontraktor ng NutriAsia partikular na ang B-Mirk Multi-Purpose Cooperative, Fast Services Corporation, Bison Security and Investigation Agency, City Service Corporation, at Manchester Engineering.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?