21

May 5, 2021 @ 15:00
By

Nursing grad na wala pang lisensya, gamitin na kontra COVID

Hiniling ni Speaker Lord Allan Jay Velasco sa Department of Health (DOH) at Professional Regulation Commission (PRC) na payagan ang mga nursing graduate na hindi pa pumapasa sa board exam na magtrabaho sa health care center.

Ayon kay Velasco mahalaga na matiyak na mayroong sapat na manpower ang mga health facilities ng bansa upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nahawa ng COVID-19.

“Since na-postpone din recently ‘yung nursing board exam, we can actually tap ‘yung mga supposedly magbo-board exam and use them as health workers,” sabi ni Velasco.

Maaari umanong isailalim sa isang rehistradong nurse o doktor ang mga nursing graduate.

“Aral na po ang mga ‘yan,” dagdag pa ni Velasco. “They are resources that we can actually use to help fight the pandemic.”

Kinansela ng PRC ang nursing board exam sa Mayo 30 at 31 bilang tugon sa hiling ng Philippine Nursing Association matapos na tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang exam ay inilipat sa Nobyembre 21 at 22.

Batay sa datos ng DOH, 17,365 health worker ang nahawa ng COVID-19, at 1,895 dito ang aktibong kaso at 88 ang namatay.

Nanawagan din si Velasco sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na health protocol upang hindi mahawa ng COVID-19.

“Napapansin ko when I go around na there’s still a lot of people not following the protocols,” wika pa ni Velasco. “Meaning, ‘yung pinaka-basic man lang, ‘yung pagsuot natin ng face mask. Kahit iyon man lamang—‘yung pinaka-basic.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?