25

Jun 14, 2020 @ 21:41
By

Nurse group: 100K ibigay sa lahat ng health frontliner na sapul ng COVID

Nanawagan ang isang grupo ng mga nurse sa Pilipinas na bigyan ng P100,000 bilang sickness benefit ang lahat ng mga healthcare worker na tinamaan ng COVID-19.

Sa ngayon kasi ay tanging mga severe case lamang ang nababahagian ng tulong ng gobyerno pagdating sa mga medical frontliner.

Ayon kay Filipino Nurses United President Maristela Abenojar, sila’y nag-request na sa Department of Health ngunit wala pang binibigay na tugon hinggil dito.

“Kami ay naglabas ng isang apela sa ating pamahalaan na sana lahat ng matutukoy na infected ay bigyan ng P100,000, hindi lang ‘yung nasa severe na… Mabilis kasi e, na mula sa mild lang ‘yung iyong nararamdaman, puwedeng mag-progress agad into severe,” saad ni Abenojar sa dzBB.

“It’s not fair na double or threefold ‘yung hazard na hinaharap namin pero pili lang ‘yung bibigyan mo ng compensation,” aniya pa.

Nireklamo din nito ang kabagalan sa pamimigay ng mga personal protective equipment dahilan kaya nagkakasakit ang mga health worker.

Nasa 1,032 ang kaso ng COVID-19 sa mga nurse, tatlo ang nasawi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?