9
nurse1
By

Nurse bagong coach ng Raptors

Sharing is caring!

Isang buwan matapos sipain si Dwane Casey, nakahanap na ang Toronto Raptors ng bagong head coach. At hindi na sila lumayo.

Inireport ni Adrian Wojnarowski ng ESPN na tinapik ng Raptors si Nick Nurse, longtime assistant ni Casey.

Ngayon lang hahawak ng NBA team bilang head coach si Nurse, 50, pero naging player-coach na siya sa British Basketball League at sa D-League.

Tinanghal siyang Coach of the Year sa dalawang liga bago umakyat sa NBA bilang ayudante ni Casey sa Toronto.

Napag-champion niya sa D-League ang Iowa Energy at Rio Grande Valley Vipers, naging assistant din sa Great Britain national team noong 2012 London Games nang tokahan ni Chris Finch sa depensa. Coach na ng New Orleans Pelicans si Finch.

Halos $10 million daw ang halaga ng three-year deal na binigay sa kanya.

Siya ang offensive coordinator ng Raptors na naging No. 1 sa East nitong nakaraang season.

Si Nurse ang itinuturong arkitekto ng opensa ng Toronto ngayon na mula sa dating isolation para kina DeMar DeRozan at Kyle Lowry ay na-sentro sa mas maraming ball at player movement.

Mas marami nang nakakahawak ng bola ngayon, gumanda ang opensa ng Raptors at pumangatlo sa liga sa points scored per possession sa likod lang ng Golden State Warriors at Houston Rockets.

Nawalis lang ang Raptors kay LeBron James at Cleveland Cavaliers sa second round ng Eastern Conference playoffs, sunod ay sinibak na si Casey.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?