91
arrested
Aug 15, 2018 @ 16:42
By

Nurse, 2 bebot na kasama dinakma sa droga

Dinakma ng mga awtoridad ang isang lalaking nurse at dalawa nitong kasamang babae na sinasabing nagtutulak ng droga sa Barangay San Martin de Porres, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Dir. P/Chief Supt. Joselito Esquivel ang mga suspek na sina Arnold Tabelioma, 46-anyos, isang licensed nurse; Patrixia Marie Gabriel alyas Angel, 27, at Christine Abuda alyas Tin-Tin, 28-anyos.

Ayon sa pulisya, karay-karay pa ni Abuda ang kanyang dalawang taong gulang na anak nang arestuhin ng mga awtoridad, na umano’y na ginagamit pa nito sa pagtutulak ng iligal na droga.

Nabatid na sina Gabriel at Abuda ay dati nang sumurender sa ‘Oplan Tokhang’ ng pulisya noong nakaraang taon dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Batay sa report, mismong sa bahay pa ng nurse isinagawa ng mga operatiba ng QCPD Station 7 ang buy-bust operation dakong alas-3:40 ng madaling araw.

Nakumpiska sa mga nasabing suspek ang 15 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga at iba’t-ibang drug paraphernalia.

Ang tatlo ay magkakakuntsaba umano sa pagtutulak ng droga sa Brgy. San Martin de Porres, Cubao, Quezon City.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa QCPD detention cell habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?