52

Dec 5, 2017 @ 9:05
By

NU Bullpups 4-peat girls volley champ

Binakbakan ng National University ang University of Santo Tomas, 25-17, 25-19, 25-20 tungo sa paglapa ng bibihirang four-peat sa UAAP Season 80 high school volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Nakasona ang Bullpups, matatalas na serve at solidong atake ang pinakawalan ng tropa sa Junior Tigresses tungo sa two-game sweep sa best-of-three Finals.

Kinagat ni Sheena Toring ang pang-koronang puntos para sa NU sa paghataw ng impresibong service ace.

“The fourth is the most difficult one,” ani Bullpups coach Babes Castillo. “True-blue trabaho talaga. We are here to inspire.”

Nauna rito, rumatrat ang UST mula sa dalawang sets para lapain ang Far Eastern University-Diliman, 18-25, 22-25, 25-22, 25-22, 15-5, tungo sa pagsukbit ng pinakaunang boys crown.

Ang Tiger Cubs, ranked No. 3 sa playoffs, ang namayani sa serye, 2-0, kung saan si Jaron Requinton ang itinanghal na Finals MVP.

Si Requinton, ang siya ring 1st Best Middle Blocker, at Efraem Dimaculangan ilan sa graduating players para sa UST, ang tuluyang sumabit sa anino ng mga astig na koponan ng University of the East at NU.

“Napakalaking karangalan ito para sa amin. Sobrang blessing,”sambit ni Tiger Cubs assistant coach John Abella.

Si NU’s Mhicaela Belen ang umangkin ng season MVP award bago umpisahan ang Game 2. Ang Finals MVP ay si Faith Nisperos, ang siya ring 2-time MVP winner, habang sina Joyme Cagande at Alyssa Solomon ang umangkin bilang 1st Best Outside Hitter, Best Setter at Rookie of the Year awards, ayon sa pagkakasunod. (Enjel Manato)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?