29

Oct 8, 2021 @ 12:58
By

NPA sa Bicol binira ni Pangulong Duterte

Wala na umanong silbi at laos na ang prinsipyong ipinaglalaban ng New Peoples Army sa Bicol region.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang inagurasyon ng bago at modernong Bicol International Airport Development Project sa Daraga, Albay nitong Huwebes ng hapon.

Ipinaabot ng Pangulo kay Presidential Adviser for Bicol Affairs Marvel Clavella ang kanyang mensahe sa mga rebeldeng komunista na tigilan na ang panununog ng mga kagamitan sa mga malalaking proyekto sa Bicol dahil nasakop na ng modernisasyon ang rehiyon.

Ang ginagawa aniyang panununog at paninira ng mga NPA ay indikasyong nasira na ang kanilang mga utak.

Hndi aniya nasisindak ang gobyerno sa pagtatapang-tapangan ng mga rebelde.

“Iyong mga kaibigan mong NPA, pakisabi nga sa kanila na they have been overtaken by modernization ng bayan. Iyong panununog nila dito, it only shows their bankruptcy in the mind. Hindi ako bilib sa tapang-tapangan nila,” anang Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na galit siya sa mga komunista dahil sa mga ginagawang pagpatay at hindi siya masaya sa ginagawa ng mga rebelde.

Mabuti aniya at nasuspinde ang peace talks sa mga ito dahil hindi niya kaya at bahala na ang susunod na Presidente kung ano ang gagawin sa mga NPA.

” Galit ako sa kanila. To continue the killing and continue the ferocity of the hate, ewan ko kung anong gusto nitong mga ito. But I am not happy with them,” dagdag ng Pangulo.

Ikinuwento ni Pangulong Duterte ang naging karanasan ng isa sa kanyang aide na Pol. lt. Colonel na maagang nabiyuda dahil pinatay ng mga NPA ang kanyang asawang pulis pati na ang kanyang biyenang lalaki na pulis din at pinatay ng mga rebelde.

“Ewan ko kung anong nakuha nila. What gain or gains they earn by killing people?,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?