80

Dec 27, 2017 @ 14:25

NPA nilabag ang sariling holiday ceasefire – military

Isiniwalat ng Philippine Army na nilabag ng New People’s Army (NPA) ang holiday ceasefire na idineklara nito.

Ayon sa 10th Infantry Division (ID) ng Army, hinabol at hinuli ng may 30 rebelde si Arbilito Catampao, miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary sa Compostela Valley nitong Pasko.

Hinaras din ng mga miyembro ng NPA ang Melale Patrol Base kasama ang CAFGU Active Auxiliary Company noong Pasko, kung saan sumiklab ang dalawang minutong bakbakan sa pagitan ng militar at rebelde.

Maraming miyembro ng NPA ang napatay sa engkuwentro habang wala namang nasugatan sa panig ng sundalo, ayon pa sa pahayag.

Ayon kay 10th ID commander Maj. Gen. Noel Clement, malinaw na nilabag ng NPA ang idineklara nilang holiday ceasefire.

Kadalasan kasi umanong nagsasagawa ng pag-atake ang mga ito kasabay sa selebrasyon nila ng kanilang anibersaryo.

Matatandaang sinabayan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng sarili nilang unilateral ceasefire ang naunang deklarasyon ng Palasyo na epektibo Disyembre 23 ng alas-sais ng gabi hanggang Disyembre 26 ng alas-sais din ng gabi.

Magpapatuloy ito sa Disyembre 30, 2017 hanggang Enero 2 ng susunod na taon sa parehong oras.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?