102

Dec 28, 2017 @ 11:47
By

NPA, mga hambog! – Duterte

Muli na namang nag-init ang ulo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kilusang komunista makaraang i-harass ang isang kampo militar sa Compostela Valley.

Tinawag ng Pangulo na hambugero o hambog ang New People’s Army (NPA) dahil may umiiral na ceasefire pero inatake pa rin ang mga tropa ng pamahalaan.

Mabuti na lamang aniya at walang kasunduan ang gobyerno sa NPA kaya malaya ang mga puwersa ng pamahalaan na mag-operate dahil ang mga komunista naman ang nauna.

“Itong nga komunistang ito hambugero. Kung magsalita, akala mo kung sino. Sabi ko ‘kaya ikaw, mga terorista kayo’. Tingnan mo, ceasefire, may — saan ba ‘yun? May inatake na naman sila. Walang honor talaga itong mga p***** i****to!” ang galit na pahayag ng Presidente.

Matatandaang inatake rin ng NPA ang tropa ng mga sundalo na tumutulong sa mga naapektuhan ng bagyong Urduja sa Visayas region na ikinagalit din ni Pangulong Duterte.

Nauna rito nagdeklara ng unilateral ceasefire ang gobyerno ngayong holiday season dahil hangad ng Pangulo na maging maayos at mapayapa ang Kapaskuhan ng mga Pilipino. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?