45

By

NPA masahol pa sa holdaper – Duterte

Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang New People’s Army (NPA) at tinawag na mas masahol pa sa holdaper dahil sa ginagawang extortion activities.

Sa kanyang talumpati sa General Santos City noong Huwebes ng gabi, sinabi ng Pangulo na nawala na ang tunay na ipinaglalaban ng mga NPA at naging extortionist na ang mga ito.

Kapag aniya hindi ibinigay ang hinihiling ng mga NPA ay pinapatay ng mga ito ang kanilang kinokotongan, kalimitan ay mga magsasaka o maliliit na negosyante.

“All they do is extort from you. And if you refuse to give it to them, they will kill you. Anong klase na uy. You are worse than a hold-upper to be honest,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mahabang panahon na ang pakikipaglaban ng gobyerno sa mga NPA at tanggapin man o hindi ng kilusang komunista ay malapit nang matuldukan ang mga ito.

Ang mga ipinapangako aniyang lupa para sa mga mahihirap na magsasaka ay mananatiling pangako lang ng mga NPA dahil wala namang kakayahang ipatupad ang mga ito.

Katunayan, ayon kay Pangulong Duterte, ay wala namang sapat na baril, armas at pagkain ang mga NPA at ang napapala sa kanilang pakikipaglaban sa gobyerno ay mga sugat sa katawan mula sa kagat ng mga linta sa kabundukan.

“The NPAs promises to you are just promises. It’s just a promise. Maybe a commitment, patriotic or otherwise, I do not care. Whether you agree to it or not, you NPAs, the communists, you are about to end. You don’t have guns, you don’t have bullets, you don’t even have food. All you have are sores and you are being bitten by leeches,” dagdag pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?