40

Dec 12, 2017 @ 14:35
By

Noynoy, padadalhan ng imbitasyon sa Dengvaxia probe

Isisilbi na ngayong araw ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbitasyon kay dating Pangulong Noynoy Aquino para sa pagdinig ukol sa kontrobersyal na dengue vaccine program nu’ng administrasyon nito.

Iniutos ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Richard Gordon na padalhan ito ng formal invitation para sa pagdinig sa Huwebes.

Ayon sa senador, ibibigay nila ang pagkakataon kay Aquino para makapagpaliwanag kung bakit ito dalawang beses na nakipagkita sa ilang opisyal ng kumpanyang Sanofi Pasteur na nagsuplay ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Ibibigay din ito ang pagkakataong sagutin ang tanong kung bakit minadali ang pagbili ng bakuna at kung bakit din ginamit dito ang mahigit P3 bilyon na hindi naman otorisado ng Kongreso.

Kung hindi sisipot si Aquino, hindi naman ito pupuwersahing dumating bilang respeto sa dating pangulo at dating senador.

Ayon kay Gordon, pabor si Senate President Koko Pimentel at iba pang mga senador na imbitahin si Aquino para mailabas ang buong katotohanan.

Sa pagdinig kahapon, sinabi ng isang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na inaprubahan ng tanggapan ni Aquino ang paggamit sa P12 bilyong pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) para sa health programs kung saan nakapaloob ang P3 bilyon para sa dengue vaccines.

Pirmado ni Executive Secretary Paquito Ochoa ang authoritization sa paggamit ng MPBF na siya namang batayan ng pagpapalabas ng Statement of Allocation and Release Order (SARO) ng DBM.

Kaugnay nito, padadalhan din ng imbitasyon para dumalo sa pagdinig sina Ochoa at Florencio ‘Butch’ Abad na naging kalihim ng DBM nu’ng panunungkulan ni Aquino. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?