94

By

Noynoy, nagpiyansa na sa mga kaso sa Mamasapano clash

Sharing is caring!

Personal na nagpiyansa si dating Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III para sa mga kasong graft at usurpation of official functions na inihain laban sa kanya sa Sandiganbayan.

Ito’y kaugnay ng kanyang naging papel sa palpak na operasyon sa Mamasapano noong Enero 2015.

Naglagak ng piyansang P40K si Aquino, hindi pa man nagpapalabas ng warrant of arrest ang anti-graft court.

Kasama ng dating pangulo na nagtungo sa Sandiganbayan ang kanyang mga kapatid na sina Maria Elena ‘Ballsy’ Aquino-Cruz, Aurora Corazon ‘Pinky’ Aquino-Abellada, at Victoria Elisa ‘Viel’ Aquino Dee.

Gayundin ang kanyang pinsan na si Senador Bam Aquino, sina Liberal Party leader at Senate Minority Leader Franklin Drilon, at ang mga dating spokespersons na sina Abigail Valte at Edwin Lacierda.

Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Aquino dahil sa pagpapahintulot sa noo’y suspendidong si dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima na pamunuan ang Oplan Exodus para tugisin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Napatay sa operasyon si Marwan subalit nalagasan ang PNP ng 44 na miyembro ng Special Action Force.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?