79

Dec 17, 2017 @ 18:22
By

Noynoy may command responsibility sa pagbili ng dengvaxia – JV

Kahit sabihin pang “in good faith” si dating Pangulong Benigno Aquino sa pagpapabili ng bakuna kontra dengue, sinabi ni Senador Joseph Victor Ejercito na maari pa rin itong makasuhan.

Puwede umanong ihabla si Aquino para sa kapabayaan dahil hindi muna ito nagpasaliksik nang husto ukol sa Dengvaxia bago inaprubahan ang pagbili nito.

Lumitaw sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee na hindi pa garantisadong ligtas ang bakuna para sa lahat ng matuturukan pero nagpabili na nito ang Aquino administration.

Kamakailan lang sinabi ng Sanofi Pasteur na maaring mapaganib ang bakuna sa matuturukan na hindi pa nagkakaron ng sakit na dengue.

Ayon kay Ejercito, maaring nabigyan si Aquino ng mali o kulang na impormasyon ukol sa bakuna pero dapat nag-aral pa rin ito bilang dating pangulo at kailangan nito ngayong managot para sa command responsibility.

“Sa tingin ko, kung titingnan mo ‘yong command responsibility, baka may liability siya. Maybe negligence lang dahil kinakailangan niyan, due diligence,” ayon kay Ejercito.

“Kumbaga, ang mas mabigat na may sala ay iyong mga underlings, iyong mga secretaries dahil sila dapat ang nagsagawa ng due diligence,” dagdag nito.

Bilang chairman ng Senate committee on health, balak ni Ejercito na magpatawag ng pagdinig ukol sa isyung pangkalusugan ng bakuna.

Ito’y dahil ang pananagutan ng mga bumili ng bakuna ang pinagtutuunan ng Blue Ribbon committee.

“It is possible na magkaroon ng hearing on the health aspect para mabigyan ng pagkakataon yung mga health experts on moving forward on what to do,” ayon kay Ejercito.

“Ang concern ko dito ay ‘yong 800,000 na magulang na siyempre yung anxiety because siyempre, mga anak nila eh. It is our duty to inform the public, especially those parents of the 800,000 [children] kung ano na ang development. On that aspect, baka magpatawag tayo ng pagdinig,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?