121

Dec 14, 2017 @ 18:47
By

Noynoy inaming minadali ang pondo sa Dengvaxia

Inamin ni dating Pangulong Benigno Aquino III na minadali niya ang pagpapalabas ng pondo para sa pagbili ng bakuna laban sa dengue noong Disyembre 2015.

Sa pagharap sa Senate blue ribbon committee, ipinaliwanag ni Aquino na magsasara na noon ang taon at kung hindi siya aagap, malulusaw ang savings noon ng gobyerno dahil papasok na iyon sa national treasury.

Kapag nasa national national treasury na ang savings, hindi na iyon mababawi dahil pagpasok ng buwan ng Enero ng kasunod na taon, kailangan na ng panibagong otorisasyon ng Konggreso sa pamamagitan ng supplemental budget at matagal na naman itong proseso.

Disyembre 29 noong inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang Statement of Allocation and Release Order (SARO) para sa P12 bilyon na nakalaan sa health programs kung saan nakapaloob ang P3.5 bilyon para sa bakuna laban sa dengue.

Sa pagdinig, nagkusa si Aquino na sumagot ukol dito bagaman si dating Budget Secretary Florencio Abad ang stinatanong ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee.

Sasagot na sana roon si Abad pero sumingit si Aquino para siya ang magpaliwanag.

“If I may perhaps answer the question and answer the unasked question,” sabi ni Aquino ay Gordon.

Humirit si Gordon na wala pa naman siyang “unasked question” pero nagpatuloy sa pagsagot si Aquino.

“If by December 31, you do not utilize these unutilized funds, it reverts back to the national treasury, then how do you fund it? You can go and ask for a supplemental budget, which requires new sources of revenue,” pahayag ng dating Pangulo.

Matapos nito, sinabi ni Gordon na hindi naman niya inaakusahan ng anuman si Aquino.

“Let me sure you that I’m not even hinting at anything (in) so far as your integrity is concerned,” sabi ni Gordon.

“I’m just stating facts here na talagang magdadala ng tanong na dapat ipaliwanag ng mga kumukuha nitong pondong ito para sa Dengvaxia,” dagdag ni Gordon.

Ayon kay Aquino, ginawa nya noon ang nararapat na aprubahan ang pagpapabakuna sa may dengue dahil mabilis noong dumami ang nagka-dengue.

Wala naman aniyang kumontra noon sa desisyon at wala ring babala na masama ang bakuna.

Sa huli, sinabi ni Gordon na wala siyang hangad na hindi maganda kay Aquino.

“Nahihiya ho ako sa inyo dahil hindi ko naman ho tangka itong magkaganito there are certain questions that I have to ask,” sabi ni Gordon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?