38

By

Notoryus na snatcher, tiklo sa Malabon

Sharing is caring!

Tuluyan nang napasakamay ng pulisya ang isang notorious na snatcher na umano’y nasa likod ng serye ng pang-ii-snatch sa mga sakay ng pampasaherong bus na dumadaan at nagbababa ng pasahero sa kahabaan ng Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina PO3 Julius Mabasa at PO3 Randy Billeo ng Malabon City Police, alas-11:40 ng gabi nang maaresto ang suspek na si Alexis Padilla, 25-anyos, residente ng Dulong Hernandez St., Barangay Catmon ng nasabing lungsod.

Sakay ng isang pampasaherong bus na malapit sa pintuan ang suspek kung saan huminto sandali ang sasakyan upang magbaba ng pasahero nang bigla na lamang nitong hablutin ang cellphone ng isa sa pasaherong si Kenneth Duma, 18, service crew, na nagkakahalagang P11,000.

Humingi ng saklolo sa Malabon City Police ang biktima at pagdating niya doon ay isa pang nabiktima ng suspek na si Ma. Ruby Servandi, 45, ang nagrereklamo na nahablutan din ng cellphone sa nasabing lugar ganap na alas-6:30 naman ng gabi.

Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at naaresto ang suspek.

Positibo siyang kinilala ng dalawang biktima, ngunit bigo nang maisauli pa ang mga gamit na hinablot nito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?